Skip to main content

Posts

Showing posts from December, 2008

TAKAS

Paano tumakas mula sa penitensiya ng latigong pumupunit sa litid ng mapulang pahaging ang pagpitik? Paano lumabas sa nilukubang kuweba ng konsensiyang basag ang pananaw? Paano sumuko sa rebeldeng taliwas ang pangako sa niyakap na prinsipyo? Paano bumalikwas sa pag-ibig na kulob sa pagmamalaki at hilaw sa karanasan? Pag minamalas ka nga naman.

FOR THE INSOMNIAC NINA

Pinagtitiyagaan ko ang bituin Upang mangunyapit sa pangako nitong lapit ng bukas, At sa kakayahan nitong takpan ang dilim ng ngayon. Pinagmamasdan ko siya Hindi tulad ng isang mangingibig, Na nagbabakasakaling makasungkit sa limang sulok nitong liwanag. Kundi tulad ng isang batang walang kakayahang masuklam, Kahit na ang abot-tanaw at ang abot-kamay ay magkaiba. Natuto akong bilangin Kung ilang beses siya dapat kumislap, Upang mapansin ang kaniyang kinang. Ang kung paanong ang iyong bilang Ay katumbas lamang ng huli mong Pagkurap. Hanggang sa lamunin Ang bituin ng mas marangyang liwanag At magpasakop sa pinangingilagan nitong Enerhiya. Bubunuin ko ang umaga na sabik sa pagsapit ng gabi. Nagtapos na ang aking pagkabigo. 01/17/08